Suportado ng mga pribadong kompanya ang desisyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-angkat ng asukal.
Ito ay kahit pa nagbaba ng cease and desist order ang Negros Occidental RTC Branch 73 na nagpapatigil sa Sugar Order No. 3 (SO3) para sa importasyon ng 200,000 MT ng asukal.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, mismong ang mga kinatawan ng food and beverage companies ang naghayag na suportado nila ang importasyon ng refined sugar sa bansa.
Kabilang sa mga kompanyang nagkumpirma na sinusuportahan ang sugar importation ay ang Nestle Philippines, Coca-Cola Philippines at Pepsi-Cola Products Philippines Inc.
Katwiran ng mga ito, limitado ang suplay ng premium sugar sa bansa at pinangangambahan na pagsapit ng Abril ay mauubos na ang buffer stock ng asukal.
Kung hindi anila matutuloy ang importasyon ay makakaapekto ito sa kanilang produksyon ng pagkain at mga inumin.