Mga food delivery riders na hindi sumusunod sa quarantine protocols, binalaan ng PNP

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa mga chief of police at police commander na bantayan ang mga food delivery rider.

Ito ay dahil sa dami ng reklamong kanilang natatanggap na lumalabag ang ilan sa mga ito sa minimum public health safety protocols habang nasa kanilang mga waiting areas sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Aniya, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga manager ng business establishments para mahigpit na maipatupad ang mga protocol laban sa COVID-19.


Sinabi ni Eleazar na alam niya ang hirap at sakripisyo ng mga delivery rider ngayong pandemya pero kung may mapapansin ang mga pulis na mga rider na hindi sumusunod sa minimum public health and safety standards at quarantine protocols ay kailangan silang mabigyan ng babala.

Ngunit paalala ni Eleazar sa kanyang mga tauhan na palaging paiiralin ang maximum tolerance at maging magalang sa pakikipag-usap sa mga delivery rider.

Facebook Comments