Mga food delivery service applications, kinikilala ang 20% discount sa mga senior citizens

Pinaiimbestigahan ni Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang mga food delivery service providers na hindi ino-honor o kinikilala ang 20% senior citizen discount na itinatakda ng batas.

Ito ay matapos makatanggap ang kongresista ng mga reklamo mula sa mga nakatatanda na hindi sila makapag-avail ng 20% discount sa mga ino-order na pagkain sa mga food delivery apps tulad ng Grab Food at Foodpanda.

Sa inihaing House Resolution 1626 ni Herrera ay inaatasan nito ang naaangkop na komite sa Kamara na siyasatin ‘in aid of legislation’ ang hindi pagsunod ng mga food delivery service providers sa Repubic Act (RA) 9944 o Expanded Senior Ctizens Act.


Nakasaad kasi sa batas na sinumang Pilipino na may edad 60 taong gulang pataas ay entitled sa 20 percent discount at exempted din sa pagbabayad ng VAT sa mga piling produkto at serbisyo.

Malinaw sa Section 3 ng batas na para sa mga food deliveries, ang 20% discount ay mai-aapply sa pamamagitan ng pagkuha sa senior citizen ID card number at maaaring i-present ng senior ang kanyang senior citizen ID kapag dumating na ang delivery.

Umaapela si Herrera sa mga food delivery service providers na i-incorporate o ilagay sa profile ng account holder na senior citizen ang 20% discount para makapag-avail ang mga ito ng diskwento.

Aniya, batid naman ng lahat na mataas ang risk o panganib na mahawa ng COVID-19 ang mga lolo at lola kaya naman mahalagang matiyak na ang mga senior citizens ay nananatili lamang sa bahay pero may kakayahan pa ring maka-access sa mga serbisyo at iba pang pangangailangan.

Facebook Comments