Kinatigan ng mga foreign at local expert ang isinusulong na panukala na pag-institutionalize para sa paglalatag ng maritime zones ng bansa.
Sa ginanap na organizational meeting ng Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones na pinamumunuan ni Senator Francis Tolentino, humarap ang ilang mga eksperto at nagpahayag ng suporta sa isinusulong ng Kongreso na pagtatatag ng maritime zones kung saan dito ay bibigyang linaw ang boundaries sa karagatang sakop ng teritoryo ng bansa salig sa international law.
Matatandaang unang sinabi ni Tolentino na ang pagkakaroon ng maritime zones ay bilang tugon at para kontrahin ang 10-dash line map ng China.
Sa pulong ng special committee, sinabi ni Gregory Poling, Director ng Southeast Asia Program and Asia Maritime Transparency Initiative, na ang lahat ng claimants na sangkot sa maritime disputes sa teritoryo kabilang ang China ay saklaw ng international law.
Sinabi naman ni Foreign Affairs Usec. Eduardo Jose De Vega, ang pagkakaroon ng batas para sa maritime zones ay magiging dagdag na suporta sa historical efforts ng bansa at magsisilbing pundasyon at balangkas para sa pagpapatupad ng mga batas na may kaugnayan sa karapatan at mga obligasyon ng gobyerno sa paggiit ng soberenya, sovereign rights at jurisdiction.
Para naman kay UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Atty. Neil Simon Silva, kung gusto natin na suportahan tayo ng international community sa ating claims ay kailangan natin ng batas na tugma sa umiiral na international law upang sa gayon ay pareho ang posisyon at mayroon tayong diplomatic basis na magpapatatag sa lahat ng ating mga claim.