Inaprubahan na ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang rekomendasyon na bigyan ng ikalawang booster shot laban sa COVID-19 ang mga senior citizen at frontline healthcare workers.
Ayon kay National Vaccination Operations Center Chairperson Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ang mga bakuna na gagamitin ay Pfizer at Moderna, na ibibigay ng hindi bababa sa apat na buwan pagkatapos ng pagbibigay ng unang booster dose.
Aniya, ang mga indibidwal na kukuha ng ikalawang booster shot ay kailangang magpakita ng vaccination card kung saan nakalagay ang petsa ng kanilang unang booster dose at valid government-issued ID.
Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang ikalawang booster shot sa health workers at senior citizens ay magpapataas ng proteksyon laban sa lahat ng variant ng COVID-19, kasama na ang Omicron subvariant BA.2.12.1.