Pwede nang bigyan ng booster shot ang isang fully vaccinated na 17 taong gulang kapag nagdiwang ito ng kaarawan 3 buwan makaraang tumanggap ng 2nd dose ng bakuna.
Sa presscon sa Malacañang, sinabi ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na base sa emergency use authorization (EUA) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA) maaari nang mabigyan ng booster doses ang mga 18 taong gulang pataas.
Sa ngayon, wala pang resulta ang pag-aaral na maaari nang maturukan ng 3rd dose ang mga batang edad 12-17 taong gulang.
Tanging 18 taong gulang pa lamang pataas ang binigyang awtorisasyon ng mga eksperto para tumanggap ng booster dose.
Ani Vergeire, kaya kung nag-18 anyos na ang isang bakunadong kabataan makalipas ang tatlong buwan, nararapat lamang itong maturukan ng booster shot.
Sa pinakahuling datos nasa 9.1 milyong mga Pinoy na ang nabigyan ng booster shot.