Mga gabineteng dawit sa isyu ng 2025 budget, walang immunity sa imbestigasyon—Malacañang

Tiniyak ng Malacañang na itutuloy ang imbestigasyon laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan, kahit miyembro pa ng Gabinete, kung may sapat na ebidensyang mag-uugnay sa kanila sa umano’y iregularidad sa 2025 national budget.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang direktiba ng Pangulo na mananagot ang kahit sinong masangkot, kapag napatunayang may kinalaman sa katiwalian.

Ang mga reklamo at ebidensya ay hahawakan ng Office of the Ombudsman at Department of Justice, habang maaari ring magsumite ng ebidensya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) o dumiretso sa pagsasampa ng kaso sa mga ahensyang ito.

Ang pahayag ay kasunod ng akusasyon ni Sen. Panfilo Lacson na may limang cabinet member umanong may bilyon-bilyong pisong “allocables” sa badyet batay sa Cabral files, kabilang ang isang opisyal na tinukoy sa inisyal na “ES” at ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Nilinaw ng Malacañang na alegasyon pa lamang ang mga ito at mapapatunayan lang matapos ang pormal na imbestigasyon. Igagalang din ng Palasyo ang independensya ng Ombudsman at DOJ at hindi makikialam sa proseso.

Facebook Comments