Mga Gagamiting Paaralan sa Araw ng Eleksyon, Sinuri!

*Cauayan City, Isabela-* Patuloy ang pagsisiyasat ng Cauayan City Engineering Office sa mga ilaw at outlet ng kuryente sa mga paaralan sa Lungsod upang matiyak na maayos itong gamitin sa araw ng eleksyon.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay City Engr. Edward Lorenzo, layon nito na mapaghandaan at masiguro na walang magiging problema sa elektrisidad na magiging sanhi ng pagkaantala ng botohan.

Bagamat wala aniyang problema sa koneksyon ng kuryente ay kinakailangan pa rin umanong magkaroon ng adjustment sa mga outlet ng kuryente na magiging akma sa mga gagamiting Vote Counting Machines (VCM).


Bahagi rin anya ng kanilang pagsisiyasat na matiyak na ligtas gamitin ang mga kable ng kuryente upang hindi maka-antala sa eleksyon.

Nakipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa ISELCO upang tiyakin na walang mangyayaring power interruption sa mismong araw ng eleksyon.

Tiwala naman si Engr. Lorenzo na walang magiging problema sa kuryente at matatapos ang halalan sa Lungsod na ligtas at mapayapa.

Facebook Comments