Mga gagawing pag-amyenda ng bicam sa 2026 national budget, mahigpit na babantayan

Mas mahigpit na babantayan ng Department of Budget and Management (DBM) ang gagawing bicameral conference para sa 2026 national budget.

Ito ang tiniyak ni Budget Secretary Amenah Pangandaman kung saan handa raw ang kagawaran na makipagtulungan sa Kongreso para masigurong protektado ang pondo ng taumbayan laban sa mga iregular na realignment.

Kasunod na rin ito ng pahayag ni Senator Panfilo Lacson na mas bantayan ang bicam hearings, lalo’t dito raw madalas nangyayari ang malalaking pagbabago sa budget na nagiging kuwestiyonable.

Sabi ni Pangandaman, handa ang DBM na magbigay ng technical validation at magrekomenda ng executive actions kung may mga kuwestiyonableng item.

Anumang magiging pagbabago ay dapat aniyang transparent, naaayon sa Saligang Batas, at para sa kapakanan ng sambayanan.

Nanawagan din si Pangandaman na gawing bukas at naka-livestream ang bicam hearings para mas makita ng publiko ang lahat ng amendments na ipapasok sa national budget.

Facebook Comments