Kapuna-puna para kay Liberal Party President at Albay First District Representative Edcel Lagman, na bago pa man ang 2025 mid-term elections ay nagsisimula na ngayon ang mga pagkilos para sa 2028 Presidential Elections.
Naniniwala si Lagman na bahagi nito ang pagtanggal kay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo bilang senior deputy speaker at ang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte mula sa ruling Lakas-CMD party.
Ipinaalala ni Lagman na sina Arroyo at Duterte ay naging magkasabwat umano noon sa pagpapatalsik kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez na syang daan para mapasakamay ni Arroyo ang liderato ng Kamara noong 2018.
Sabi ni Lagman, ang nangyayari ngayong power play at intramurals sa Partidong Lakas ay maaring magresulta sa pagbibitaw dito ng mga loyalista nina Arroyo at Duterte.
Inaasahan din ni Lagman na ang mga pangyayaring ito ay makaapekto sa mga planong pagbabago sa gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos.
Binanggit naman ni Lagman, na ang Liberal Party bilang nangungunang opposition party ay masigasig na manood sa mga susunod na kaganapan.