Mga Gamit Pandigma ng NPA, Narekober ng 50IB sa Pinagtataguang Kweba

Cauayan City, Isabela- Narekober ng tropa ng 50th Infantry Battalion ang mga armas at gamit ng mga New People’S Army (NPA) sa kweba na imbakan ng mga rebelde partikular sa Sitio Ligayan, Barangay Balantoy, Balbalan, Kalinga.

Ito’y sa pamamagitan ng tulong ng mga mamamayan na nagbigay ng impormasyon sa kasundaluhan kaugnay sa pinagtataguan ng mga gamit at armas ng mga makakaliwang grupo.

Sa pagtugon ng mga sundalo sa lugar, narekober ng mga ito ang isang (1) M16 rifle na baril, long magazine na naglalaman ng 20 piraso na mga bala, isang (1) bandolier, tatlong (3) metro ng electrical wire, tatlong (3) tent, iba’t-ibang mga gamot, mga subersibong dokumento, at ilang mga personal na kagamitan.


Ayon sa pahayag ng mga residente sa lugar, minabuti na nilang ibunyag ang lugar na imbakan ng mga gamit ng NPA upang hindi na pabalik-balik ang mga ito sa kanilang lugar at maalis din ang takot at kaguluhan na dulot ng mga rebelde na una nang idineklara na persona non grata sa lugar.

Pinasalamatan naman ni MGen. Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang mga residente sa lugar sa kanilang pakikipagtulungan upang matuldukan ang insurhensiya sa kanilang lugar.

Facebook Comments