Cauayan City, Isabela- Matagumpay na narekober ng mga kasapi ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army ang mga gamit pandigma ng mga rebeldeng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army sa Sitio Narudducan, Abariongan Uneg, Sto Niño, Cagayan kahapon, ika-9 ng Pebrero taong kasalukuyan.
Ito’y sa tulong na rin ng mga residente sa lugar matapos ang pagsasagawa ng focused military operations ang 17IB sa nasabing lugar.
Ayon sa mga residente, malaki ang kanilang tiwala sa kasundaluhan kaya ibinahagi nila ang naturang impormasyon.
Nagpapasalamat naman si Lieutenant Colonel Angelo C. Saguiguit, Commanding Officer ng 17IB sa pakikipagtulungan ng mga residente upang marekober ang mga nasabing kagamitan.
Nanawagan si LTC Saguigit sa mga natitirang kasama o mga sumusuporta sa mga teroristang NPA na magbalik-loob na sa pamahalaan upang makapag bagong buhay kasama ang pamilya at mabigyan ng tulong sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at Cagayan Employment Assistance Program (CEAP) ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.