Mga gamot na walang VAT nitong 2019, mababalewala dahil sa TRAIN 2

Manila, Philippines – Nababahala si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na mababalewala ang pag-aalis ng VAT sa ilang mga gamot dahil sa nakaambang na ikalawang tranche ng excise tax sa langis at ibang produktong petrolyo.

Kaugnay nito ay inalis na ang Value Added Tax o VAT ng mga gamot sa diabetes, hypertension at high cholesterol pero posible ding hindi ito maramdaman ng mga ordinaryong mamamayan dahil sa pagpapataw ng excise tax sa oil at petroleum products ngayong Enero.

Paalala ni Zarate, ganito rin ang nangyari ngayong 2018 kung saan inalis ang personal income taxes ngunit hindi rin nakaligtas ang mga empleyado at manggagawa sa pagtaas ng mga pangunahing produkto at serbisyo dulot ng TRAIN Law.


Dahil dito, hinikayat naman ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares ang Department of Finance (DOF) na ituloy na ang suspensyon sa ikalawang bugso ng pagpapataw ng buwis sa mga oil products sa 2019.
Giit ng dating kongresista, kung itutuloy ng gobyerno ang second tranche sa pagtataas ng oil excise tax ngayong Enero ay tiyak na magreresulta ito ng pagtataas sa singil sa kuryente, pamasahe at mga pangunahing bilihin.

Gumagawa na naman aniya ng panibagong pagkakamali ang DOF tulad ng sinabi noong una na maliit lamang ang impact ng TRAIN law sa ekonomiya.

Facebook Comments