Plano ng National Task Force Against COVID-19 na gamitin ang mga gasolinahan at toll plaza bilang dagdag na vaccination sites.
Ito ay sa harap ng patuloy na pagpapaigting ng COVID-19 vaccination drive ng bansa.
Ayon kay NTF Deputy Chief Implementer Vince Dizon, nais nilang palawakin ang pagbabakuna mula sa Local Government Unit based at mega-site based vaccinations.
Aniya, malaking hamon sa kanila ngayon ang pagpapabilis sa pagpapadala ng bakuna sa iba pang bahagi ng bansa.
Target ng gobyernong mabakunahan kontra COVID ang 90 milyon sa tinatayang 111 milyong Pilipino sa bansa bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.T
Sa higit 60 milyong fully vaccinated na indibidwal sa bansa, nasa higit 8 milyon pa lang ang may booster o dagdag na dose.