Mga gawain ng constitutional amendments, kailangang pag-aralang mabuti ni Senator-elect Robin Padilla

Tulad ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ay pinayuhan din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Senator-elect Robin Padilla na mag-aral na mabuti.

Kaugnay ito sa kanyang kagustuhan na pamunuan ang Senate Committee on Constitutional Amendments, Revision of Codes and Laws kung saan kanyang makakaharap ang mga mahistrado at constitutionalists.

Ayon kay Zubiri, kailangang pag-aralang mabuti ni Padilla ang gawain ng nabanggit na komite na siyang didinig sa mga panukalang pagrepaso sa konstitusyon, mga criminal law, corporate law at iba pang batas.


Binanggit ni Zubiri na pwede naman ang balak ni Padilla na kumuha ng mga abogado na gagawing legislative consultant, adviser at mentor pero hindi uubra na ang abogado ang magsasalita para sa senador.

Si Zubiri na inaasahang magiging Senate president sa 19th Congress ay nagsabing napagkasunduan na ibigay kay Padilla ang hiningi nito na Committee on Constitutional Amendments.

Pero paglilinaw ni Zubiri, dadaanin pa rin sa botohan ang pag-upo bilang chairman ng sinumang senador sa anumang komite sa Senado.

Facebook Comments