Hinikayat ni Appropriations Vice Chairman at Makati Rep. Luis Campos ang Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Government Service Insurance System (GSIS) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na i-upgrade ang computer at information system para sa mas mabilis na pagbibigay serbisyo sa publiko gamit ang internet.
Ito ay kasunod na rin ng pag-down sa system ng SSS dahil sa pagbuhos ng online transactions at iba pang applications sa pagkuha ng benepisyo ngayong extended pa hanggang May 15 ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa mataas na kaso pa rin ng COVID-19.
Ayon kay Campos, mayroon o wala mang COVID-19 pandemic ay patungo na sa electronic at online ang mga pampublikong transaksyon.
Tinukoy nito na dapat ang mga tanggapan na nagbibigay ng frontline services ay mag-invest na sa upgraded computer at information systems upang makasabay sa tumataas na demand ng publiko sa paggamit ng online transactions.
Giit ng kongresista, crucial sa mga panahon na ito ang paghahatid ng uninterrupted services sa publiko at dependent sa mga panahon na ito ang mga tao sa paggamit ng online facilities.