Mga grantees ng ETEEAP, ipinasasama sa beneficiaries ng free higher education

Inirekomenda ni Senator Bam Aquino na isama sa mabibigyan ng libreng tertiary education ang mga Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) grantees.

Sa pagdinig ng budget ng Commission on Higher Education, sinabi ni CHED Chairperson Shirley Agrupis na hindi kasama sa mga beneficiaries ng free higher education ang mga mag-aaral ng ETEEAP dahil hindi naman sila regular student at mayroon na silang mga trabaho.

Subalit, ipinunto ni Aquino na tulad sa ibang regular na mag-aaral, karamihan sa mga ETEEAP students ay nagaral para tapusin ang kanilang bachelor’s degree.

Dapat aniya ay mabigyan ng libreng college education ang mga ETEEAP grantees dahil pasok naman sila sa requirement na undergraduate at kumukuha ng bachelor’s degree, nag-aaral sa mga state universities and colleges at local universities and colleges at Filipino citizen.

Sinabi naman ni Agrupis na pag-aaralan nila at gagawa na rin sila ng guidelines para maisama sa RA10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act ang mga estudyante ng ETEEAP.

Facebook Comments