Iniutos na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gilbert Gapay sa lahat ng mga ground commander sa mga lugar na tumbok ng Bagyong Quinta na maging alerto.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, lahat ng precautionary measures ay ginagawa ngayon ng mga ground commander para sa gagawing pagresponde.
Inatasan na rin ang mga unit commander na i-activate ang kanilang disaster response teams para tumulong sa posibleng evacuation o force evacuation at gagawing relief operations.
Tiniyak naman ni Arevalo na sumusunod sa minimum health protocol ang mga idineploy na mga sundalo dahil pa rin sa nararanasang COVID-19 pandemic.
Panawagan rin ni Arevalo sa mga nakatira sa mga lugar na apektado ng Bagyong Quinta na kung kinakailangang lumikas ay lumikas na upang hindi lubhang maapektuhan sa pananalasa ng bagyo.