Binatikos ng labor group na Partido Manggagawa (PM) si Pangulong Bongbong Marcos dahil sa hindi pagbabalik ng subsidy para sa Philippine Health Insurance Corp., o PhilHealth at sa pondo para sa mga serbisyong panlipunan sa pambansang badyet na kanyang pinirmahan.
Ayon kay Partido ng Manggagawa Secretary General Judy Miranda, hindi tapat sa kanyang pag-veto ng ilang mga line item sa budget si Pangulong Marcos dahil pinanatili nito ang kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP na nananatiling nakasingit sa national budget.
Hindi rin nagiging tapat ang Punong Ehekutibo nang igiit nito na hindi maaapektuhan ang mga benepisyo ng PhilHealth kahit walang subsidy.
Hinihiling ng mga miyembro at benepisyaryo ng PhilHealth na magkaroon ng makabuluhang pagpapabuti ng mga benepisyo.
Panawagan ng grupo, ibalik ang 50% na pagtaas sa coverage gaya ng napag-usapan sa mga deliberasyon ng badyet at ipinangako ni Health Secretary Teodoro Herbosa.
Nauna nang sumama ang Partido ng Manggagawa sa Nagkaisa labor coalition bilang intervenor sa petisyong inihain sa Korte Suprema para tutulan ang paglipat ng P90 bilyon ng sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury.