Mga grupong umapela sa ICC na muling ipagpatuloy imbestigasyon sa war on drugs sa Pilipinas, nadagdagan pa!

Umabot na sa tatlo ang mga grupong umapela sa International Criminal Court (ICC) na muling ipagpatuloy ang imbestigasyon nito sa War on Drugs sa Pilipinas.

Kinabibilangan ito ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), National Union of People’s Lawyers at ang nadagdag na Free Legal Assistance Group (FLAG).

Sa isang liham, hinimok ni FLAG Chair Jose Manuel “Chel” Diokno ang ICC Prosecutor na si Karim Khan na agad alisin ang suspensiyon dahil sa kahina-hinalang resulta ng imbestigasyon na ginawa ng Department of Justice (DOJ).


Sa 52 kaso kasing ni-review ng DOJ na ipinadala sa Philippine National Police’s Internal Affairs Service (PNP-IAS), lumalabas na 36 lamang dito ang naganap mula July 1, 2016 hanggang March 16, 2019.

Habang nasa .12% hanggang .3% lamang din ito ng 12,000 hanggang 30,000 na nasawi sa nasabing panahon.

Samantala, iginiit din ni Diokno na hindi rin napabilang sa nasuri ang alinmang kaso ng pagkamatay na naganap sa Davao mula November 1, 2011 hanggang June 30, 2016.

Sa ngayon, wala pang pahayag ang ICC hinggil sa hirit na ito ni Diokno.

Facebook Comments