Nangangamba si House Deputy Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Representative France Castro sa panganib na idudulot sa mga estudyante at guro kapag hindi ibinalik sa Abril hanggang Mayo ang summer vacation.
Tinukoy ni Castro na base sa online survey na isinagawa ng ACT at nilahukan ng 11,706 pampublikong guro sa buong bansa, 87% sa mga ito ang nagsabing hindi sila makatutok na mabuti sa pagtuturo dahil sa sobrang init ng panahon.
Binanggit ni Castro na 37% naman ang nagsabi na ang summer heat ay nagdudulot sa kanila at sa mga estudyante ng kung anu-anong sakit kaya marami ang palaging absent sa klase.
Sabi ni Castro, batay sa survey ay hindi kaya ang init o malapugon na mga pampublikong silid-aralan na umaasa lang sa mga electric fan.
Inihalimbawa pa ni Castro ang mga nahimatay na bata sa isang public school sa Laguna dahil sa hindi nakayanang init sa panahong ito.
Iginiit din ni Castro na ang mga paaralan sa bansa ay walang sapat na health facilities at personnel para agad matugunan ang anumang problema sa kalusugan na idudulot ng tag-init.