Mga guro at iba pang non-teaching personnel ng DepEd na hindi bakunado, hindi tatanggihan sa pagbabalik ng face-to-face classes

Tatanggapin pa rin ng Department of Education ang mga guro at non-teaching personnel para sa face-to-face classes na magsisimula ngayong Agosto kahit hindi pa sila bakunado.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Health (DepEd) Director Michael Poa na walang hiwalay na patakaran para sa mga bakunado at hindi bakunado na mga personnel at mga guro maging sa mga mag-aaral.

Nananatili kasi aniyang voluntary ang pagpapabakuna at hindi nila oobligahin ang mga ito na magpaturok kung ayaw.


Pero, nakikipag-ugnayan aniya ang DepEd sa Department of Health (DOH) para magkaroon ng regular counselling sessions sa mga paaralan para sa mga magulang at kanilang mga anak hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna at pagpapa-booster shot.

Kung sakali aniyang mahikayat ang mga ito na magpabakuna, magkakaroon sila ng vaccination roll out sa mga paaralan para maging mas madali na sa mga magulang at mga bata ang pagpapabakuna.

Facebook Comments