Mga guro at mag-aaral, ipinasasama sa prayoridad ng vaccination program para sa ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes

Hiniling ng Makabayan sa Kamara na ipa-prayoridad ang mga guro at mga estudyante sa COVID-19 vaccination program at pinatitiyak din ang ligtas na pagbabalik sa face-to-face classes.

Sa House Resolution 1574 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan, tinukoy rito na wala sa ‘top tier’ ng listahan ng mga makakatanggap ng COVID-19 vaccine ang mga guro habang wala talaga sa listahan ang mga estudyante.

Iginiit sa resolusyon na hindi ganito ang kaso sa ibang mga bansa dahil itinuturing na ‘key frontliners’ ang mga guro at kabilang ang mga ito sa top priorities na mabakunahan.


Kung maagang mababakunahan ang mga kabilang sa education sector, maaaring magsilbing vaccination centers ang mga paaralan para sa mas mabilis na roll out ng COVID-19 vaccine.

Umaapela ang mga kongresista sa Inter-Agency Task Force (IATF) na iprayoridad ang mga guro at mga mag-aaral sa vaccination program upang makapaghanda na sa pagbabalik eskwela gayundin ay para maprotektahan ang karapatan sa kalusugan at edukasyon sa gitna ng pandemya.

Batay sa pinakahuling data ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), mahigit 100 milyong mga guro at school personnel ang apektado ng health crisis kung saan 27 na mga bansa ang sarado pa rin ang mga paaralan at apektado rito ang 300 milyong learners.

Facebook Comments