Itinutulak ng ACT Teachers Partylist na mapasama sa COVID-19 vaccination priority list ang mga guro.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ACT Teachers Partylist Representative France Castro na ang kawalan ng bakuna ang pangunahing dahilan kung bakit hindi kumpiyansa ang mga guro, magulang at estudyante sa face-to-face classes.
Aniya, sakaling mapabilang sa top 5 priority list ang mga guro ay malaki ang posibilidad na bumalik na sa normal ang edukasyon sa bansa.
“Sa priority kasi tila pang-anim ang mga teacher kaya pino-propose ko nga nasa sana magkaroon na rin ng bakuna ang mga teachers, atleast [mapasama] doon sa 1 to 5 priority list. Para magkaroon na ng normalcy ang pag-aaral yung teaching and learning process dahil hanggang May or June na lamang ang klase kaya dapat mapagtuunan na ito ng pansin.” ani Castro.
Kasabay nito, umapela rin si Castro sa Department of Education (DepEd) na dapat magkaroon na ng malalim na pag-aaral tungkol sa pagsasagawa ng physical classes sa mga lugar sa bansa na hindi gaanong naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag nito, hanggang ngayon ay marami pa ring estudyante ang hirap sa blended at modular learning.
Talagang hirap na hirap ang mga bata natin sa blended at modular learning. Hindi talaga sila maka-cope up sa ganitong klase. Ako nga ang mungkahi ko, kung may mga lugar sa mga rehiyon na pwede nang magface-to-face classes with a limited number of students per classroom ay pwede na sigurong gawin. Hindi naman siguro dapat pumasok araw-araw ang mga bata. So dapat magkaroon na ng evaluation na ganito ang DepEd.” giit pa ni Castro.
Samantala, inaprubahan na ng Malacañang ang face-to-face classes para sa medical courses sa ilang lugar sa bansa na may mababang quarantine levels.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ay para hindi maubusan ng doktor at medical workers ang bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.