Iminungkahi ni Marikina Representative Stella Quimbo sa Department of Education (DepEd) na bigyan ng Special Risk Allowance (SRA) ang mga guro na makikibahagi sa muling pagpapatupad ng face-to-face classes simula Nobyembre.
Ipinaliwanag ni Quimbo sa kanyang inihaing House Resolution No. 77, na karamihan sa mga guro na magtuturo muli sa pagbubukas ng klase ay mahaharap sa isang ‘unique risk’ o panganib dahil malalantad sila sa COVID-19.
Tinukoy ni Quimbo sa resolusyon ang report ng DepEd noong October 2021, 0.14 percent lamang ng mga menor de edad na edad 12-17 ang bakunado laban sa COVID-19 habang 50.33 percent lamang ng teaching at non-teaching staff ang fully vaccinated.
Binanggit din ni Quimbo ang mga report na may ilang lokal na pamahalaan ang nag-aatas sa mga guro na lumagda sa waiver na nagtatanggal sa pananagutan ng DepEd sa anumang sasapitin ng mga guro na lalahok sa face-to-face classes.
Diin ni Quimbo, ang mga guro ay frontliners ng education sector kaya dapat tiyakin ang kanilang kaligtasan at dapat silang pagkalooban ng nararapat na kompensasyon kapalit ng pagkakalantad nila sa panganib na magkasakit.