Handang-handa na ang mga guro na lalahok sa panukalang 100% na face-to-face classes sa Nobyembre.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas, matagal na silang naghanda dahil dalawang taon din na walang face-to-face classes ang bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Aniya, nakita rin kung paano nahirapan ang mga estudyante sa distance learning set-up kung saan hindi maganda ang naging resulta nito.
Ipinunto rin ni Basas na dapat tiyakin ng pamahalaan na hindi masikip ang mga silid-aralan at hindi mapuno ng trabaho ang mga guro bago ipatupad ang 100% face-to-face classes.
Samantala, nanawagan si Basas sa gobyerno na itaas ang entry salary ng mga guro sa salary grade 15 at magbigay ng panibagong P10,000 na karagdagang sahod.
Maliban dito, sinabi ni Basas na dapat suriin ang K-12 program sa basic education para matukoy ang mga posibleng reporma at pagsasaayos na kailangan para mapabuti ang sistema nito.