Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na mabibigyan ng medical at insurance assistance kung kinakailangan, ang mga guro na nagsilbi bilang Board of Election Inspectors (BEIs) para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang sinabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa sa press briefing sa Comelec, kasunod ng insidente sa Davao kung saan isang guro ang nabalian ng buto matapos na maaksidente habang patungo sa presinto para sa kanyang election duty.
Nakipag-ugnayan na ang DepEd sa Comelec upang siguruhin na ang bawat guro ay makatatanggap ng kanilang poll duty honoraria na P9,000 hanggang P10,000 sa tamang oras.
Samantala, biniberipika ng DepEd ang ulat na maraming mga guro sa Abra ang umatras sa pagbabantay sa halalan.
Nauna nang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na 29 na guro sa Abra ang umatras sa pagiging electoral board members bago pa ang halalan ngayong araw.
Nilinaw naman ni Garcia na ang dahilan ng pag-atras ng mga ito ay hindi dahil sa banta sa buhay kundi dahil may mga kaanak itong tumatakbo sa eleksyon.