Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na walang hazard pay ang mga guro na papasok sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, ang hazard pay ay nakapaloob lamang sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa halip na hazard pay, sinabi ni Sevilla na alternative working arrangement ang inilalatag sa mga guro kung saan nililimitahan ang kanilang working hours sa labas ng kanilang mga bahay.
Inatasan din ang mga pinuno ng mga paaralan na mag-deploy “by batch” ng mga guro na kailangan sa enrollment procedure.
Paglilinaw ng DepEd na maaaring pumunta ang mga guro sa eskwelahan para kunin ang kanilang mga gamit na naiwan bago nag-umpisa ang lockdown noong Marso.
Ang pagbubukas ng klase ay nakatakda sa August 24 sa pamamagitan ng online classes, pamamahagi ng printed learning modules, at home schooling.