Nauunawaan ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang paglalabas ng sama ng loob ng mga guro lalo na kapag hindi pinapahalagahan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral.
Pero giit ni Castro, mali na ipahiya ang mga estudyante lalo na sa social media na hindi makakatulong at sa halip ay nakakasama pa.
Reaksyon ito ni Castro sa nag-viral video ng isang highschool teacher na nagagalit at nagsi-sermon sa kanyang mga estudyante habang naka-livestream sa TikTok.
Diin ni Castro, may ibang paraan para ma-inspire ang mga batang mag-aral at igalang ang mga guro.
Binanggit ni Castro na na-trace na ng Alliance of Concerned Teachers ang naturang guro pero para sa kanyang seguridad ay hindi muna nila ilalantad ang pagkakakilanlan nito.
Ayon kay Castro, ito ay kanilang kakausapin ng masinsinan at ang reklamo laban sa kanya ay idadaan sa proseso.