Manila, Philippines – Matatanggap na ng mga gurong magsisilbing board of Election Inspector (BEI) ang kanilang honorarium bago pa ang eleksyon sa Lunes, May 13.
Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, makukuha ng mga BEI ang kalahati ng kanilang honorarium at allowance bago magsimula ang botohan.
Base sa Commission on Elections (Comelec) resolution no. 10297, P6,000 ang honorarium na matatanggap ng mga chairperson ng electoral board.
Nasa P5,000 naman para sa miyembro, P4,000 para sa DepEd Supervisor Official o DESO at tig-P2,000 para sa technical at support staff.
Mayroon din silang lahat na dagdag na P1,000 transportation allowance.
Sabi ni Umali, ang natitirang kalahati ng honorarium at allowance pagkatapos ng araw ng eleksyon kasunod ng pag-surrender ng mga election paraphernalias.
Tiniyak naman ni Education Secretary Leonor Briones na kumpara sa nakaraang halalan na cash card ang ibinigay para ma-withdraw ang honorarium ngayon ay ibibigay na ito ng cash.
Paalala rin ni Briones, hindi papatawan ng buwis ang mga honorarium basta ang taunang suweldo ay hindi lalagpas sa P250,000.
Nabatid na nasa 531,307 tauhan ng DepEd ang magsisilbi sa 36,830 polling centers sa buong bansa.