Manila, Philippines – Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na wala na silang magagamit na pambayad sa mga guro na magsisilbi sa midterm elections kapag reenacted budget ang gagamitin ngayong taon.
Paliwanag ni Comelec Spokesman Director James Jimenez, ito ang magiging epekto kung ang magiging budget ngayong taon ay katulad noong nakaraang taon.
Binigyang diin pa ni Jimenez na hindi lahat ng mga budgetary requirement para sa pagdaraos ng midterm elections ay nakasama sa kanilang budget noong nakaraang taon kabilang na ang honoraria sa mga magsisilbi sa halalan.
Hindi aniya simple ang pagsisilbi sa halalan at nararapat lang na mabigyan ng kompensasyon ang mga magsisilbing guro.
Una nang sinabi ni Senate President Tito Sotto III na reenacted budget na lang ang paganahin ngayon taon dahil sa kaliwa’t kanang mga alegasyon na nagpapatagal para mailusot ang pambansang pondo.
Pero sabi naman ni Senator Panfilo Lacson na may ‘savings’ ang Comelec sa kanilang 2018 budget at maaari nitong magamit sa papalapit na halalan.