Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) sa mga nagbabalak gumamit ng pekeng vaccination card sa harap ng pag-arangkada sa lunes ng “No Vax, No Ride” Policy sa mga pampublikong transportation.
Sa isang virtual presser, sinabi ni Undersecretary for Legal Affairs Reinier Paul Yebra na mapaparusahan ng kulong at pagmumultahin ang mga namemeke, partikular ng mga vaccination card sa ilalim ng revised penal code.
Mayroon din aniyang kaparusahang nakapaloob sa mga ordinansa na ipinasa ng mga lungsod na naglilimita sa paglabas sa bahay ng mga unvaccinated individuals.
Nariyan din aniya ang Republic Act 113322 ay nagpaparusa sa mga pasaway sa gitna ng pandemic.
Ayon naman kay Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, may ipapakalat na mystery passenger upang bantayan kung sumusunod ang mga tsuper at operator sa protocol.
Sa ganitong paraan ay makakatitiyak ang DOTr na kahit walang nanghuhuling law enforcer ay maipapatupad ang quarantine protocol.
Hindi ito matutukoy dahil parang mga normal na pasahero lang na nagbabayad din ng pasahe.
Sa Lunes, makakatuwang ng DOTr ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga LGUs at ng PNP sa pagpapatupad ng “No Vax, No Ride” Policy.