
Pinagbabaklas ng pamunuan ng Manila North Cemetery ang mga hagdanan sa likod at gilid ng naturang sementeryo.
Ito’y bilang paghahanda sa papalapit na paggunita ng Undas.
Nabatid na ang mga hagdanang ito ang ginagawang shortcut ng mga nagtutungo sa sementeryo, lalo na tuwing mismong araw ng Undas, kung saan naipapasok kadalasan ang mga ipinagbabawal na bagay.
Ito rin ang nagiging daanan ng mga nagbabalak maglinis kahit ipinagbabawal na, at nagiging takbuhan din ito kapag nagsasagawa ng operasyon ang Manila Police District (MPD) at Manila Local Government Unit (LGU).
Ayon kay Manila North Cemetery Director Dandan Tan, binaklas nila ang mga hagdanan upang hindi na mapakinabangan, at tanging sa harap na lamang daraan ang mga bibisita sa sementeryo.
Bukod dito, imo-monitor at babantayan ng MPD ang paligid ng Manila North Cemetery upang hindi na ito gawing shortcut ng publiko.
Ang mga nakatira naman sa loob ng sementeryo, partikular sa mga gilid, ay inabisuhan na sumunod sa patakaran at makipag-ugnayan upang hindi magkaproblema o maabala sa araw ng Undas.









