Mga hakbang kontra dengue, mas lalo pang pinalakas ng Manila Health Department

Mas lalo pang pinalakas ng Manila Health Department (MHD) ang kanilang mga hakbang para maiwasan ang sakit na dengue.

Kaugnay niyan, tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng misting and fogging operation ng Manila Health Department katuwang ang MDRRMO sa mga barangay na nakapagtala ng mga kaso ng dengue.

Partikular itong ikinasa sa Brgy. 720 Zone 78 sa Leveriza Malate na patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue.


Isinagawa ang misting at fogging sa mga eskenita, estero, loob at labas ng bahay kasama na ang mga basurahan na pwedeng pamahayan ng mga lamok.

Pinaalalahan naman ng MHD ang mga residente nito na maglinis ng kapaligiran upang maiwasan ang pagdami ng lamok at pagkalat ng sakit na dengue.

Sa pinakahuling datos ng naturang tanggapan, mula January 1, 2022, hanggang sa June 25, 2022 umabot na sa 205 ang mga naging kaso ng dengue sa lungsod ng Maynila pero wala namang naitalang nasawi.

Ganun pa man iginiit ni Doctor Arnold Pangan head ng Manila Health Department, na ang mga kasong nairecord ay 30% na mas mataas mula sa kabuuang bilang.

Dagdag pa ni Pangan, namamahagi sila ng Rapid Dengue Test sa anim na distrito ng ospital kung saan patuloy pa rin ang kanilang information dissemination kaugnay sa kaalaman kontra dengue.

Facebook Comments