Mga hakbang laban sa bagong Swine Flu, inilatag ng Pamahalaan

Bumuo na ang pamahalaan ng mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng bagong uri ng swine flu na pinangangambahang magdulot din ng pandemya.

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang “proactive recommendations” ng Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng “whole-of-nation” approach laban sa bagong strain ng G4-H1N1 o swine flu virus.

Kabilang sa mga ipapatupad na hakbang ay ang pagtatatag ng inter-agency surveillance mechanisms para sa mga hog farms at mga hog farmers at workers partikular ang mga palaging expose sa mga baboy.


Ang Department of Health (DOH), Department of Agriculture at Bureau of Customs ay inatasan na mahigpit na ipatupad ang Food Safety Act of 2013, partikular ang probisyon sa paghahawak ng imported na pagkain sa port of entry.

Nabatid na ang mga researchers sa China ay nakadiskubre ng bagong uri ng swine flu na pinangalanang G4 na sinasabing pwedeng maipasa sa tao.

Ang G4 virus ay nagmula sa H1N1 strain na nagdulot ng pandemya noong 2009.

Una nang sinabi ng Bureau of Animal Industry (BAI) na may potensyal na mag-mutate at maaaring magdulot ng public at animal health risks ang nasabing virus.

Facebook Comments