Mga hakbang ng gobyerno para palakasin ang programa laban sa anti-trafficking, ipinapasiyasat ng Senado

Pinasisilip ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Senado ang mga hakbang ng gobyerno para palakasin ang Anti-Trafficking in Persons Program partikular na mga international-bound na mga pasaherong Pilipino.

Inihain ni Villanueva ang Senate Resolution 762 matapos na lumabas ang bagong travel guidelines sa paliparan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mga kababayang aalis ng bansa.

Hirit ng senador, hindi makatarungan na bibigyan pa ng dagdag na pasakit ang ating mga kababayan na ang gusto lang ay makapamasyal sa ibang bansa.


Sa dami aniya ngayon ng hinihinging dokumento na kailangang maipakita sa Bureau of Immigration (BI) bago makalabas ng bansa, ay daig pa nito ang visa application.

Dahil dito, pinapaimbestigahan ng senador sa Mataas na Kapulungan kung ano ang iba pang mga aksyon ng pamahalaan para labanan ang human-trafficking sa pamamagitan ng IACAT.

Tinukoy sa resolusyon ang mga inilunsad ng IACAT tulad ng 1343 Action line noong 2011, Barangay IACAT Webinar noong 2019, ang partnership ng IACAT sa Global Fund to End Modern Slavery at ang inilunsad ng Blas Ople Center na Integrated Case Management System para sa pagmonitor ng mga human-trafficking cases noong 2020 at ngayong August 17, 2023 ay inilabas ang Revised IACAT Guidelines para sa mga aalis na Pinoy sa bansa na epektibong ipapatupad simula September 3.

Batay sa IACAT, ang bagong guidelines para makabiyahe sa labas ng bansa ay may layunin aniya na makontrol o masolusyunan ang tumataas na bilang ng mga Pilipinong nabibiktima ng human-trafficking.

Bubusisiin sa pagdinig ng Senado kung ang mga ganitong programa ba ng gobyerno ay talagang susugpuin ang mga traffickers o magpapabigat lamang ito sa mga lehitimong pasahero.

Dagdag pa ni Villanueva, kailangang mai-evaluate din ang mga umiiral na programa upang malaman kung talaga bang ito ay epektibo at kung ito ay salig sa whole-of-government approach.

Facebook Comments