Tinalakay ngayon ng House Committee on Overseas Workers Affairs na pinamumunuan ni Kabayan Partylist Ron Salo ang mga aksyon ng pamahalaan para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa Israel.
Ayon kay Department of Migrant Workers o DMW OIC Usec. Hans Cacdac, bahagi ng nagpapatuloy na repatriation process ng gobyerno sa OFWs sa Israel ang pagtiyak na maayos ang kanilang pakikipaghiwalay sa kanilang mga employer.
Binanggit ni Cacdac na bawat bumabalik na mga kababayan natin mula sa Israel ay bibigyan ng 50,000 pesos na tulong pinansyal dahil sa biglaang pagkawala ng trabaho.
Sabi ni Cacdac, mayroong 746 pamilya na humingi ng tulong sa kanilang hotline para mabatid ang estado ng kanilang kaanak sa lugar na mayroong hidwaan.
Kaugnay nito ay nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DMW sa Israel Defense Forces upang mahanap ang mga hindi pa nakikitang OFW.
Nagpasalamat naman si Cacdac sa suporta ng iba ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development at TESDA na nagkakaloob ng mga training vouchers sa mga OFW na interesadong sumailalim sa skills training.