Pabor si Senator Chiz Escudero sa estratehiya o pamamaraan na gamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagharap sa pinakahuling insidente sa West Philippine Sea (WPS).
Matapos ang insidente ng pagtutok ng China Coast Guard ng military-grade laser sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), mismong si Pangulong Marcos ang nagpatawag at kinausap ang Ambassador ng China sa Pilipinas hinggil sa isyu.
Ayon kay Escudero, ang nasabing hakbang ng pangulo ay nagpapakita na mahalaga ang usapin sa bawat Pilipino, sa ating gobyerno at sa mismong presidente ng bansa.
Ipinapakita rin ng aksyon na ito na hindi magkikibit-balikat at magsasawalang bahala ang administrasyong Marcos sa mga pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.
Bukod sa malaking hakbang, malaki rin aniya itong pagbabago kung ikukumpara sa nakaraang Duterte administration.
Bukod dito, nagkaroon din aniya ng tapang ang mga ahensya na magsalita sa isyu dahil matapos na magpahayag ang pangulo ay sumunod na nagsalita ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang PCG sa mga ginagawang paglabag sa pinag-aagawang teritoryo.