
Buo ang tiwala ni Bagong Henerasyon (BH) Party-list Rep. Robert Nazal na magbubunga ng tunay na reporma at tatapos sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga hakbang ni Secretary Vince Dizon.
Pangunahing tinukoy ni Nazal ang utos na courtesy resignation ni Dizon sa lahat ng mga opisyal ng DPWH.
Suportado rin ni Nazal ang isinusulong ni Dizon na habangbuhay na ipagbawal na makipagtransaksyon sa gobyerno ang mga kontratista na matutukoy na guilty sa pagpapatupad ng ghost o substandard na mga proyekto.
Diin ni Nazal, malinaw ang mensahe ng mga aksyon ni Dizon na hindi kukunsintihin ang katiwalian at kapalpakan sa DPWH na isang napakahalagang ahensya.
Bunsod nito ay tiniyak ni Nazal na kanilang babantayan ang implementasyon ng mga direktiba ni Dizon at tatapatan nila ito ng mga kailangang panukalang batas na susuporta at magpapalakas sa tamang paggastos sa pondong nakalaan sa mga proyektong pang-imprastraktura.









