
Iginiit ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila Rep. Joel Chua ang pangangailangang tuldukan ang ilang dekada nang pamamayagpag ng sindikato ng mga fixer sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa.
Ayon kay Chua, nagpapatuloy ang operasyon ng mga fixer dahil mayroon umano silang kasabwat na ilang tauhan mismo ng LTO.
Dahil dito, nanawagan si Chua sa mga awtoridad na agad arestuhin ang mga fixers na tumatambay sa labas ng mga tanggapan ng LTO, pati na ang kanilang mga kasabwat sa loob ng ahensya.
Iminungkahi rin ni Chua na magkaroon ng regular workdays ang lahat ng opisina ng LTO sa buong bansa tuwing Sabado.
Paliwanag niya, marami sa mga manggagawang may pasok mula Lunes hanggang Biyernes ang napipilitang dumulog sa mga fixer upang maisagawa ang kanilang mga transaksyon sa LTO.
Bukod dito, hiniling din ni Chua ang pagpapalawak ng online transactions upang hindi na kailangang personal na magtungo sa mga tanggapan ng LTO ang publiko at tuluyang mabawasan ang impluwensiya ng mga fixer.










