Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na handa nilang ipatupad ang anumang mandato para sa seguridad ng supply sa produktong petrolyo at elektrisidad sa bansa.
Ayon kay Director Rodela Romero ng Oil Industry Management Bureau ng DOE na parte ng kanilang tungkulin ay tiyakin na ang mga suplay na ito ay nakasusunod sa quality standard o sa Clean Air Act at hindi dapat makadagdag pa sa problema sa climate change.
Sinabi pa ni Romero, tuloy rin ang pagtataguyod nila sa solar, wind, hydro at biomass para hindi na nakadepende lang ang Pilipinas sa mga imported fuel.
Importante aniyang maisulong nila ang alternative sources of energy kasama na ang paggamit ng e-vehicles.
Ang mga hakbang na ito aniya ay para hindi masyadong maapektuhan ang mga Pilipino ng mga nangyayaring pagtaas at pagbaba ng presyo ng langis sa international market.
Sumusunod din aniya sila sa biofuels law, ibig sabihin dapat ay nakasusunod sa 10% ethanol at 2% coco methyl ester ang binibiling diesel sa merkado.
Dagdag pa ni Romero, tuloy rin ang pag-explore ng kanilang Energy Resource Development Bureau sa mga indigenous resources para makatulong din ito sa suplay ng bansa.