Ipinasisilip ni Senator Sherwin Gatchalian sa Senado ang mga hakbang para sa pagpapalakas ng papel ng pampubliko at pampribadong paaralan sa pagkamit ng mga layunin sa edukasyon.
Tinukoy ni Gatchalian na kailangang madaliin ang pagtugon sa mga hamon na kinaharap lalo na sa private education sector na pinalala pa ng COVID-19 pandemic at paghina ng ekonomiya.
Inihalimbawa ng senador ang 23% na pagbaba ng enrollment para sa School Year 2021-2022 kung saan nauwi ito sa pagsasara ng 185 pribadong mga paaralan.
Sa Senate Resolution 12 ni Gatchalian, layunin na palakasin ang magkatuwang na gampanin ng pampubliko at pribadong paaralan sa pamamagitan ng pagbuo ng dynamic at responsive framework para sa pagpapatupad ng ‘principle of complementarity’ sa pagitan ng public at private institutions.
Sa pamamagitan nito ay maitatatag ang isang maayos na sistema ng edukasyon na tumutugon sa pangangailangan ng bansa alinsunod sa mandato ng Konstitusyon.
Tinukoy pa ng senador ang agwat sa sweldo sa pagitan ng public at private school teachers na isa ring malaking hamon sa sektor ng edukasyon.