Mga hakbang sakaling maantala ang pagpirma sa 2026 budget, kinikilala ng Malacañang

Kinilala ng Malacañang na may mga nakahandang hakbang sakaling maantala ang pagpirma sa 2026 national budget, pero nilinaw na hindi kasama sa plano ang reenacted budget.

Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni Senate President Tito Sotto na kung sakaling magkaroon ng panandaliang delay, may safeguards naman at hindi ito agad makaaapekto sa gobyerno.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bagama’t may punto ang sinabi ni Sotto, nananatiling prayoridad ng pangulo ang masusing pagrepaso sa budget para matiyak na ito ay malinis, makatao, at para sa kapakanan ng mamamayan.

Giit ng Malacañang, hangga’t may oras bago matapos ang taon, aaralin ng pangulo ang budget at hindi magdadalawang-isip na mag-veto ng mga probisyong may problema.

Dagdag pa ng Palasyo, mas mahalaga ang maayos na budget kaysa sa minadaling pagpasa nito.

Facebook Comments