Mga hamon sa buhay ng mga Pilipino, nananatili pa rin sa kabila ng tinatamasang kalayaan

Manila, Philippines – Para kina Opposition Senators Kiko Pangilinan at Leila De Lima nananatili ang mga hamong kinakaharap ng mga Pilipino sa kabila ng kalayaan na ating tinatamasa sa loob ng ika-119 ng taon.

Kabilang sa mga hamon na tinukoy ni Senator Pangilinan ang patuloy na bumabalot na kaguluhan sa Marawi City dahil sa banta ng terorismo, aerial bombings, at martial law.

Kasama din aniya ang hamon na hatid ng kahirapan, at milyun milyong batang Pilipino na walang kapasidad na pumasok sa isang pormal na paaralan dahil sa kakulangan sa mga silid-paaralan, aklat at mga guro na mababa ang pasahod.


Binanggit din ni Pangilinan ang paglaganap ng fake news na nagbabanta sa katotohanan at nagdudulot ng kalituhan.

Idinagdag naman ni De Lima ang hamong hatid ng kawalan ng katarungan, at mga hidwaang kumikitil ng libo-libong buhay.

Bunsod nito ay nanawagan din si De Lima sa administrasyong Duterte na tigilan na ang mga baluktot sistema ng pamamahala at sa halip ay maglatag ng mga kongkretong programa at proyekto para matugunan ang nabanggit na mga hamon.

Samantala, kaugnay sa Independence Day celebration ay nagpahayag naman si Sen. De Lima ng pagsaludo sa magigiting nating mga bayani ngayon.

Kabilang aniya dito ang mga Overseas Filipino Workers, mga guro, kawani ng gobyerno at ng media, mga manggagawang Pilipino at mga pulis at sundalo na nagbubuwis ng buhay para sa kaligtasan ng ating mga kababayan sa Mindanao, at nagbabantay sa ating teritoryo laban sa masasamang elemento at nagnanais na angkinin ito.
DZXL558

Facebook Comments