Patuloy na humaharap sa ilang hamon ang Bayan ng Agno, Pangasinan sa layuning mapalago at mas mapalakas ang turismo sa lugar.
Kabilang sa mga pangunahing isyung kailangang tugunan ang kakulangan ng maayos na mga daanan, lalo na patungo sa ilang mga beaches at tourist destinations na hanggang ngayon ay wala pang konkretong access roads.
Bukod dito, kinakailangan din ang dagdag at mas maayos na hotel at accommodation facilities, pati na ang pagsasaayos at mas organisadong pamamahala ng mga pook pasyalan upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at magandang karanasan ng mga turista.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalaga rin ang pagsunod at pakikiisa ng mga establisyemento sa tourism sites, gayundin ang kooperasyon ng mga residente at pribadong may-ari ng mga lupain na saklaw ng mga pampublikong tourist attractions ng bayan.
Isa rin sa mga tinututukang plano ng pamahalaang bayan ang pagkakaroon ng mas maayos at direktang transportasyon mula sa mga malalaking bayan at siyudad sa lalawigan patungo mismo sa Agno, upang mas maging accessible ang bayan sa mga turista.
Kaugnay nito, pinulong na ni Mayor John Celeste ang mga transport groups sa bayan upang talakayin ang mga posibleng hakbang at solusyon para sa mas episyenteng biyahe papunta sa Agno.
Dagdag pa ng alkalde, mahalaga ang pagtutulungan ng lahat ng sektor upang maisakatuparan ang mga plano sa turismo ng bayan.
Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaan na tuloy-tuloy ang mga konsultasyon at pagpaplano upang unti-unting matugunan ang mga hamon at maisulong ang Agno bilang isang mas handa at maayos na tourism destination sa Pangasinan.










