Mga health care workers na ayaw magpabakuna ng Sinovac, maaaring pumili ng iba pang bakuna ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte

Muling inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari namang pumili ng bakuna ang mga healthcare workers sakaling hindi nila magustuhan ang mga bakunang dumating na donasyon ng China.

Ito’y kasunod ng lumalabas na ulat na mas mataas ang bilang ng mga healthcare workers na ayaw magpaturok ng Sinovac.

Ayon pa sa Pangulo, mas mabuting hintayin na lamang ng mga healthcare workers ang ibang bakuna sa mga susunod na araw.


Sa mga nagsasabi namankung bakit ngayon lang dumating ang donasyong bakuna kahit pa may pondo, muling ipinaliwanag ni Pangulong Duterte na hirap talagang bumili dahil nag-aagawan ang ibang bansa na makakuha nito.

Aniya, maiging maghintay na lamang na makabili ang pamahalaan dahil hirap talagang makahanap ng suplay ng bakuna.

Muli rin niyang iginiit na kung ayaw magpa-bakuna ng iba ay wala daw problema para kaniya pero kinakailangan talagang maghintay.

Sa huli, hinimok ni Pangulong Duterte ang bawat isa na magpabakuna na upang kahit papaano ay may panlaban sila sa virus.

Sa ngayon, ikinokonsidera na ng pangulo ang desisyon na ilagay na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila lalo na kung dumating ang iba pang bakuna ngayong darating na buwan.

Sa usapin naman ng pagpapatupad ng face-to-face classes, muling sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya ito papayagan dahil ayaw niyang malagay sa alanganin ang kalusugan ng kabataan.

Facebook Comments