Inihihirit ng mga health expert na sertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na urgent bill ang Trans Fat Free Law.
Ito’y upang matugunan ang dumadaming kaso ng heart disease sa bansa.
Ayon kay Dr. Zenaida Velasco ng Nutritionist-Dietitians Association of the Philippines, ang heart disease ay hindi lamang pangunahing sanhi sa pagkamatay ng mga Pilipino.
Ito rin ay nagiging dahilan sa pagkakaroon ng severe na kaso ng COVID-19.
Umaasa ang grupo na maisasama sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos ang pagtatanggal sa trans fatty acids sa mga produkto sa merkado bilang prayoridad sa health agenda ng administrasyon.
Kamakailan ay naglabas ang Department of Health (DOH) ng administrative order at Food and Drug Administration (FDA) circular na nag-uutos sa mga food company na tanggalin ang mga industrially-produced trans fatty acids sa iba’t ibang produkto pagdating ng July 18, 2023.
Batay sa pag-aaral ng mga health expert, ang trans fatty acid ay isa sa mga nagiging sanhi sa pagkakaroon ng cardiovascular diseases.