Mga health volunteer sa ikinakasang 24/7 vaccination sa lungsod ng Maynila, lubos na pinasalamat ng lokal na pamahalaan

Nagpahayag nang malaking pasasalamat si Manila Mayor Isko Moreno sa mga nagboluntaryong doktor nurse, medical technologist at iba pang mga propesyonal ng allied health programs na nag-ambag ng kanilang kaalaman at panahon upang magpatuloy ang 24/7 na bakunahan sa lungsod ng Maynila.

Pinapurihan din ng alkalde ang mga masisipag na kawani ng Manila Health Department (MHD) at ng anim na district hospitals sa lungsod sa patuloy na paglilingkod sa sambayanan.

Paalala ni Moreno sa mga Batang Maynila, tuluy-tuloy ang 24/7 vaccination sa lungsod at hindi titigil habang tinitiyak din ang kaligtasan ng bawat isa ngayong ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Mahigpit na paala ng alkalde na bawal ang walk-in clients lalo na at istriktong ipatutupad ang scheduling system sa bawat site para maiwasan ang siksikan.

Hangad aniyang mabigyan ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19 ang mas maraming mga kababayan sa lalong madaling panahon.

Ngayong araw, Agosto 10, magpapatuloy ang pagbabakuna ng first dose kontra COVID-19 para sa mga kabilang sa A1, A2, A3, at A5 priority groups sa 15 school sites na may tig-2,000 doses, mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi na may tig-2,000 doses na inilaan bawat site.

Tuluy-tuloy rin ang 24/7 na pagbabakuna ng first dose sa 3 school sites na may tig-1,500 dose para sa mga kabilang sa A1, A2, A3, at A5 priority groups pagsapit ng alas-7:00 ng gabi.

Paalala ng alkalde, sikaping makapunta sa tamang schedule dahil sinisinsinan ng bawat barangay ang listahan ng mga magpapabakuna kada araw.

Para sa lahat ng magpapabakuna, ipakita lamang ang naka-print na waiver form o QR code para sa pagpapatunay.

Dalhin din ang ID at sumunod sa health protocols pagdating sa lugar ng bakunahan.

Facebook Comments