Iminungkahi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga ospital na dapat mabigyan ng panahon para makapagpahinga ang mga health care workers habang nananatiling ‘manageable’ ang utilization rate ng mga pasilidad para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ibinigay ni Roque ang suhestyong ito kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr.
Ayon kay Roque, kung maaari ay dapat lamang na makapagbakasyon ang ilang health frontliners habang hindi pa umaabot sa kritikal ang utilization rate ng mga health facilities.
“Sec. Galvez, siguro po puwede nating irekomenda sa mga ospital na habang nasa 50% lang po ang ating utilization rate ng ating health facilities baka pupuwedeng pagbakasyunin iyong ilang mga frontliners natin para sa ganoon ay makapagpahinga habang hindi pa po kritikal ang ating critical care capacity,” sabi ni Roque.
Sagot ni Galvez ay idudulog niya ang suhestyong ito sa Health Undersecretary Leopoldo Vega na siyang namumuno ng One Hospital Command.
“We will recommend that to our One Hospital Command, kay Usec. Vega po,” ani Galvez.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nasa 47% nang okupado ang COVID-19 Intensive Care Unit (ICU) beds sa buong bansa habang 24% ang ginagamit na mechanical ventilators habang 4 million individuals ang na-test para sa COVID-19 ng 147 laboratoryo.