Nagbabala si Navotas Mayor Toby Tiangco sa mga residente na posibleng hindi na kayanin ng kanilang mga health workers ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay Tiangco, marami nang ospital ang kakaunti na lamang ay mapupuno na ang kapasidad dahil sa dumaraming bilang ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19 na hinihinalang dahil sa Delta variant.
Aniya, kung lulubha ang sitwasyon ay tiyak na hindi ito kakayanin ng mga healthcare workers.
Umapela ang alkalde sa mga constituents na paigtingin pa ang pag-iingat at pagsunod sa safety health protocols bilang tulong na rin sa mga medical frontliners.
Ngayong araw ay umakyat sa 975 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 46 ang mga bagong kaso, 43 naman ang gumaling sa sakit habang tatlo naman ang binawian na ng buhay.